Alan Mathison Turing | |
---|---|
Kapanganakan | 23 Hunyo 1912 Maida Vale, London, England, United Kingdom |
Kamatayan | 7 Hunyo 1954 Wilmslow, Cheshire, England, United Kingdom | (edad 41)
Nasyonalidad | British |
Nagtapos | King's College, Cambridge Princeton University |
Kilala sa | Halting problem Turing machine Cryptanalysis of the Enigma Automatic Computing Engine Turing Award Turing Test Turing patterns |
Parangal | Officer of the Order of the British Empire Fellow of the Royal Society |
Karera sa agham | |
Larangan | Mathematics, Cryptanalysis, Computer science |
Institusyon | University of Cambridge Government Code and Cypher School National Physical Laboratory University of Manchester |
Doctoral advisor | Alonzo Church |
Doctoral student | Robin Gandy |
Si Alan Mathison Turing, OBE, FRS (bigkas: /ˈtjʊ (ə)rɪŋ/) (23 Hunyo 1912 – 7 Hunyo 1954) ay isang Briton na matematiko, lohiko (o lohisyano), kriptoanalista at siyentista ng kompyuter.
Kanyang naimpluwensiyahan ang pagpapaunlad ng agham pangkompyuter, pagbibigay ng pormalisasyon ng mga konsepto ng "algoritmo" at "komputasyon" sa isang makinang Turing, na malaki ang ginampananang papel sa pagkakalikha ng modernong kompyuter. Si Turing ay itinuturing na ama ng agham pangkompyuter at Intelehensiyang artipisyal.
Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, si "Turing" ay naglingkod at minsang naging pinuno ng Hut 8 sa Government Code and Cypher School sa Bletchley Park, isang sentro sa Britanya na responsable sa pagbasag ng mga sekretong kodigo ng mga Aleman noong panahon ni Adolf Hitler. Siya ay lumikha ng ilang tekniko sa pagbasag ng mga sipero (algoritmo ng enkripsiyon) ng Alemanya kabilang ang paraan ng elektromekanikal na makinang bombe na makakahanap ng mga kompigurasyon ng makinang Enigma (ang makinang ginamit ng pamahalaan at militar ng Alemanya upang ilihim ang mga pinadadalang mensahe ng kanilang mga sundalo). Pagkatapos ng digmaan, siya ay nagtrabaho sa Pambansang Laboratoryong Pisikal (National Physical Laboratory), kung saan kanyang nilikha ang isa sa mga unang na disenyo ng ACE, na isang "inilalaang programang pangkompyuter" (stored program).
Tungo sa huling bahagi ng kanyang buhay, si Turing ay naging interesado sa matematikang biyolohikal. Siya ay sumulat ng isang papel tungkol sa kemikal na batayan ng morpohenesis (morphogenesis) at kanyang hinulaan ang isang umiikot na reaksiyong kemikal tulad ng reaksiyong Belousov-Zhabotinsky, na unang napagmasdan at napatunayan noong dekada 1960.
Ang homoseksuwalidad ni Turing ay nagresulta sa isang kriminal na pag-uusig noong 1952, kung saan ang homoseksuwalidad sa mga panahong ito ay itinuturing pang ilegal sa Britanya. Kanyang tinanggap ang parusang paginom ng mga pambabaeng hormone (estrogen) kapalit ng parusang pagkakabilanggo. Siya ay namatay noong 1954 mula sa pagkalasyon ng cyanide, mga dalawang linggo bago ang kanyang ika-apatnapu't dalawang (42) kaarawan. Natukoy ng isang pagsusuri na ang kamatayan ni Turing ay isang pagpapatiwakal ngunit ang kanyang ina ay naniniwalang ito'y isang aksidental na kamatayan. Noong 10 Setyembre 2009, pagkatapos ng isang kampanya sa internet, humingi ng patawad ang Punong Ministro ng Britanya na si Gordon Brown sa ngalan ng pamahalaan ng Britanya sa nangyaring pagtrato kay Turing pagkatapos ng digmaan.